Pinasinayaan at nagsagawa ng simulation exercise ang Office of Civil Defense (OCD) sa bagong itinayong alternate Government Command and Control Center (GCCC) sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija.
Ayon sa OCD, ang bagong pasilidad ay backup hub kung sakaling masira ang National Disaster Risk Reduction and Management Operations Center sa Camp Aguinaldo, Quezon City sa isang kalamidad.
Noong 2017, iminungkahi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na magtatag ng alternatibong GCCC sa tatlong malalaking isla ng bansa.
Ang mga GCCC, na matatagpuan sa Nueva Ecija, Cebu, at Butuan, ay gagana nang katulad sa NDRRM Operations Center gamit ang satellite communications na may real-time na video, voice, at data transmission.
Kabilang sa mga kagamitang ICT na naka-set up sa mga pasilidad na ito ay ang video wall system, projector, network attached storage, high-frequency based radio, at iba pa.
Pinondohan ng Department of National Defense sa ilalim ng Quick Response Fund nito ang GCCC sa Luzon.
Para sa mga GCCC sa Visayas at Mindanao, ang pondo ay magmumula sa Department of Public Works and Highways.
Ayon sa OCD, ang ideya mula sa NDRRMC ay bahagi ng paghahanda sa posibleng magnitude 7.2 na lindol o “The Big One.”
Kabilang sa mga dumalo sa inagurasyon ay sina NDRRMC chairperson at Defense Secretary Delfin Lorenzana, NDRRMC executive director Undersecretary Ricardo Jalad, at iba pang opisyal mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at uniformed services.