-- Advertisements --

DAGUPAN CITY- Balik sa normal ang pagboto ng mga residente sa Brgy. Obong sa bayan ng Basista matapos ang sunod-sunod na aberya ng ilang vote counting machines o VCM’s na ginagamit ngayon para sa halalan 2019.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jumely Montemayor, Principal ng Obong Elementary School, sinabi nito na hindi na kinailangan pang palitan ang VCMs na nakapagtala ng magkakasunod na paper jam dahil naayos din ito kaagad.

Ngunit dahil dito ay nagkaroon ng delay sa pagboto ng mga residente at naipon ang mga botanteng nakapila sa nasabing eskwelahan. Isa rin aniya sa sanhi ng mabagal na pag-usad ng pila ay ang mga pumalyang Voter Registration Verification Machines (VRVM) kung saan makikita ang pangalan ng mga rehistradong botante.

Ayon kay Montemayor, nasa 2,716 ang kabuuang bilang ng inaasahan nilang boboto sa Obong Elementary School sa bayan ng Basista.