CAGAYAN DE ORO CITY – Iginiit ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na walang kinalaman ang pagkamatay ni Melodina “Apyat” Parojinog-Malingin sa misteryosong pagpanaw ni ex-Ozamiz City Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog sa loob ng selda ng mini-cell ng Ozamiz City, Misamis Occidental.
Ito ay matapos lumutang ang impormasyon na nasawi si Parojinog-Malingin dahil sa matinding kalungkutan nang namatay si Ardot na haharap sana ng mga kasong kriminal sa korte ng lungsod noong nakaraang linggo.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Ozamiz City BJMP Jail Nurse Christian Mendez na katunayan ay mayroon silang natanggap na kautusan na huwag sabihan si Melodina sa nangyari kay Ardot.
Inihayag ni Mendez na ang ikinamatay umano ni Parojinog-Malingin ay ardiogenic shock secondary to intractable cardiac arrhythmia atrial fibrillation to ventricular tachychardia secondary to massive gastrointestinal bleeding secondary to uremic gastropathy makaraang isugod sa Mayor Hilarion A. Ramiro Sr. Medical Center kahapon ng umaga.
Sina Melodina at Ardot ay nakababatang mga kapatid ni dating Ozamiz City Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog Sr na napatay ng grupo ni PLt. Col. Jovie Espenido.