-- Advertisements --
Dormitorio Dog
Cadet Dormitorio’s dog “Brando” (file photo)

CAGAYAN DE ORO CITY – Itinuring ng pamilya Dormitorio na isang initial na tagumpay sa kanilang pakikipaglaban sa aspetong legal ang kautusan ng korte na arestuhin ang Philippine Military Academy (PMA) Station Hospital officials at mga kadete na isinangkot sa pagpatay kay Cadet 4th Class Darwin Dormitorio na taga-Northern Mindanao.

Ito ay matapos nakitaan ng probable cause ang kasong hazing at murder na unang isinampa ng pamilya sa pamamagitan ng pulisya laban kina dating PMA Station Hospital officials na Capt Flor Apple Apostol, Maj Maria Ofelia Beloy, Lt Col Ceasar Candeleria at senior cadets Felix Lumbag Jr., Shalimar Imperial Jr. at Julius Carlo Tadena.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Dexter Dormitorio na tumatayong tagapagsalita ng pamilya na kahit papaano umano ay nakaramdam sila ng kasiyahan na umuusad na ang mga kaso na isinampa nila laban sa mga akusado.

Inihayag ni Dormitorio na umaasa ang pamilya na sana ay makamtan nila ang hustisya habang ililitis ni Baguio Regional Trial Court Presiding Judge Maria Ligaya Rivera ang mga kaso laban sa mga nasa likod sa pagkamatay ni Darwin.

Inaakusahan ang nabanggit na military doctors ng negligent treatment habang isinangkot naman sina Lumbag, Imperial at Tadena na principal suspects ng tuluyang binawian ng buhay si Dormitorio noong Setyembre 18, 2019.