-- Advertisements --

Ipinahiwatig ni U.S. President Donald Trump na isasama niya ang usapin ng pagpataw ng taripa para sa presensiya ng tropang Amerikano sa South Korea at Japan. Ito ay sa kabila ng kagustuhan ng dalawang bansa na ihiwalay ang usaping seguridad sa usaping pangkalakalan.

Nabatid na mayroong humigit-kumulang 50,000 na tropang Amerikano sa Japan at 28,500 naman sa South Korea, na parehong umaasa sa nuclear umbrella ng U.S. laban sa mga banta mula sa China, Russia, at North Korea.

Bagaman walang pormal na panukala ang U.S. para muling buksan ang kasunduang Special Measures Agreement (SMA) sa South Korea, naghahanda na raw ang Seoul para sa iba’t-ibang posibleng senaryo, ayon kay First Vice Foreign Minister Kim Hong-kyun.

Gayunpaman, sinabi ni South Korean Finance Minister Choi Sang-mok na hindi kasama sa agenda ang pagsusuri muli ng cost-sharing deal. Ganito rin ang paninindigan ng Japan —ayon sa isang opisyal, hiwalay dapat ang usapin ng depensa at taripa.

Sa ilalim ng kasalukuyang SMA, na nilagdaan bago matapos ang termino ni dating U.S. President Joe Biden, pumayag ang South Korea na dagdagan ng 8.3% ang ambag nito sa gastos ng mga tropang Amerikano, katumbas ‘yan ng $1.47 billion.

Ayon sa mga eksperto, ang hakbang ni Trump ay isang taktika upang makuha ang mas malaking kontribusyon ng mga kaalyadong bansa kapalit ng proteksiyon ng U.S. military.