Patuloy na umaani ng samu’t-saring reaction ang mga kumakalat na larawan ng mga opisyal ng pamahalaan kay dating Mayor Alice Guo.
Una nang pinuna ni Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality Chair Sen. Risa Hontiveros ang mga opisyal ng gobyerno na nagpapa-picture o nakikipicture kay Alice matapos siya muling lumutang at tuluyang maibalik sa Pilipinas.
Mabilis namang nagbigay ng reaction ang maraming mga social media user at tinawag ang ginawa ng ilang mga opisyal na nakakahiya, lalo’t kailangan pang i-remind o sabihan ang mga ito.
Puna naman ng iba pang social media user, unprofessional ang ginawa ng ilang mga government official, lalo at nahaharap ang dating alkalde sa patong-patong na reklamo at kontrobersiya, kasama na ang kaugnayan niya sa POGO.
Hindi rin napigilan ni Sen. Joel Villanueva na punahin ang mga kapwa government official at sinabing napaka-unprofessional ang ginawang pakikipag-selfie kay Alice.
Isa sa mga kumalat na larawan ay ang kuha kina DILG Sec. Abalos, Philippine National Police Chief Gen. Rommel Francisco Marbil, at Alice.
Pero ayon kay Abalos, unfair na hinuhusgahan ang mga kumalat na larawan.