Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pangunahan ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga pasaherong stranded sa mga pantalan, dahil sa Bagyong Kristine.
Sa situation briefing sa NDRRMC, iniulat sa pangulo na nasa 5, 329 ang mga pasahero na stranded sa iba’t ibang pantalan sa bansa, habang nasa 994 na sasakyan naman ang hindi maka-sampa sa RORO, dahil sa sama ng panahon.
Nagpasalamat ang pangulo sa pamunuan ng Philippine Ports Authority (PPA) sa inisyatibo na magbigay ng lugaw sa mga pasahero, na nagmula sa sarili nilang bulsa, ang gastos.
Gayunpaman, dapat aniya ay ang pamahalaan ang nangunguna sa pagtugon sa pangangailangan ng stranded, dahil sa sama ng panahon.
Kaugnay nito, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na una na rin silang bumaba sa mga pantalan upang alalayan ang ilang stranded passengers.
Habang mayroon na rin silang pakikipag-ugnayan sa DOST, para sa nalalapit na paglalabas ng ready to eat box, para sa mga mangangailangan.