-- Advertisements --

DAGUPAN CITY — Posibleng mapababa ang bail bond.

Ito ang kinumpirma ni Atty. Joey Tamayo sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa panukala ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na pagbabawas ng bail bond para sa mga mahihirap na Pilipino.

Aniya na ayon sa batas, ang mga mang-uusig o mga prosecutor ay silang mga nagrerekomenda kung magkano ang ipo-post na piyansa ng isang taong akusado. Habang ang nagpapasya naman kung magkano ang piyansa ay ang hukuman.

Dagdag ni Atty. Tamayo na ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng piyansa habang dinidinig ang isang kaso ay sapagkat nagsisilbi itong paniguro ng isnag nasasakdal sa isang kasong kriminal upang matiyak na dadalo at magpapakita ito sa kanyang paglilitis.

Saad nito na kung tatakbuhan naman ng isang taong nasasakdal sa kasong kriminal ay kakamkamin ng hukuman ang kanyang piyansa at mado-doble ito kapag ito ay nahuli muli.

Kaugnay nito ay binigyang-diin naman ni Atty. Tamayo na mayroong uri ng mga krimen na walang piyansa gaya ng rape with murder, attempted murder, plunder, mga krimeng election-related, at iba pang kasong kriminal na nakasaad sa batas na walang piyansa, ay hindi kwalipikado sa panukala na pagbabawas ng piyansa, at hindi rin maaaring ipanukala ni Secretary Remulla na bigyan ng piyansa ang mga ito.

Dagdag pa ng abugado na ang isang taong nasasailalim sa isang paglilitis ay mayroong presumption na siya ay inosente, at nagsasagawa lamang ng paguusig upang patunayan kung tunay nga ba itong nagkasala. Gayunpaman, malinaw sa mata ng batas na sa pagkakataong ito ay hindi pa dapat paparusahan ang taong nililitis at ang dahilan kung bakit may piyansa at kung bakit kinukulong ang isang tao habang nililitis ang kaso nito ay upang mapanigurado na ang nasabing indibidwal ay magpapakita sa oras ng kanyang paglilitis.

Samantalang sa mga mababang kaso gaya ng pagnanakaw at estaffa ay binibigyan ng piyansa dahil panigurado na sa pagbibigay ng kanilang pera na sila ay magpapakita sa panahon na sila ay tatawagin ng hukuman at habang sila ay hindi pa napapatunayan na nagkasala ay maituturing pang inosente at hindi parusa ang pagkakulong habang sila ay nililitis.