-- Advertisements --

Tiniyak ng lider ng Kamara na ang pagpapababa ng presyo ng mga pangunahing bilhin at ang pagpapatatag ng ekonomiya ang nananatiling pangunahing prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ito ang inihayag ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez nitong Sabado, matapos lumabas ang ulat ng Moody’s Analytics sa epekto sa bansa ng inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin at ang posibleng pangangailangan na ibaba ang interest rate sa pangungutang sa bansa na makatutulong sa pagpapataas ng demand at pagpapalago ng ekonomiya.

Ipinapakita ng pinakabagong datos sa ekonomiya na bagama’t bumaba sa 2.9% ang inflation noong Enero 2025, tumaas naman sa 4% ang food inflation, na nagpapakita ng kahinaan sa supply chain ng bansa.

Binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng sabayang pagpapairal ng matatag na patakaran sa pananalapi at maagap na hakbang upang palakasin ang lokal na produksyon.

Paliwanag pa ni Speaker na ang pagtugon sa inflation ay hindi lang trabaho ng Bangko Sentral dapat din itong sabayan ng matalinong pamamahala sa suplay ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin.

Gayunpaman, sinabi Speaker Romualdez na bagama’t maaaring makatulong ang pag-aangkat sa short-term shortages, nakasalalay pa rin ang long-term food security sa pagpapalakas ng lokal na agrikultura.

Sabi ni Speaker ang importasyon ay panandaliang solusyon, ngunit hindi ito pwedeng maging pangmatagalang estratehiya dapat mag invest ang gobyerno sa modernisasyon ng ating agrikultura, particular ang pagpapalakas ng biosecurity measures sa pag-aalaga ng baboy hanggang sa pagpapahusay ng suplay ng pagkain ng ating mga livestock farmers.

Punto ni Romualdez na kapag hindi aayusin ang ugat ng problema mananatili tayong umaasa sa importasyon.

Sa ngayon may ginagawa ng hakbang ang gobyerno upang mapalakas ng local na produksiyon.

Siniguro ni Speaker Romualdez sa publiko na pangunahing prayoridad pa rin ang pagpigil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.