-- Advertisements --

Umapela si Senator Panfilo Lacson kay Pangulong Rodrigo Duterte na bawiin ang utos nitong babaan ang taripa na ipinapataw sa mga imported pork products.

Sa pagdinig ng Senado kaninang umaga hinggil sa food security crisis bunsod ng African swine fever, sinabi ni Lacson na ang pagpayag ni Pangulong Duterte na babaan ang taripa sa mga inaangkat na karne ng baboy ay magkakaroon ng “double dead” effect sa Pilipinas.

Hindi lamang kasi aniya ang lokal na industriya ng baboy ang patay kundi maging ang koleksyon din ng taripa ng pamahalaan ay apektado rin.

Noong nakaraang linggo, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order No. 128, na pansamantalang nagpapababa sa taripa ng mga pork imports sa hangarin na masolusyunan ang undersupply ng karne ng baboy sa Pilipinas.

Bukod dito, inirekomenda rin kamakailan ni Duterte sa liham nito sa Kongreso na taasan naman ng 350,000 metric tons ang minimum access volume ng pork imports bilang dagdag sa kasalukuyang 54,210 metric tons lang.