MANILA – Umalma si Vice President Leni Robredo sa pagtanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte ng COVID-19 vaccine na gawa ng Chinese company na Sinopharm.
Wala pa casing emergency use authorization (EUA) sa Pilipinas ang naturang brand ng bakuna.
“Kasi kapag hindi natin tangkilikin iyong may EUA, parang walang saysay tuloy iyong FDA, ‘di ba?,” ani Robredo sa kanyang weekly radio show.
Ayon sa pangalawang pangulo, tila ginagawang katatawanan ni Duterte ang regulatory agencies, tulad ng Food and Drug Administration (FDA) dahil sa pagtanggap niya ng bakuna na hindi dumaan sa pagsusuri ng mga Pilipinong eksperto.
“Parang mockery iyon ng existing na regulatory agencies natin. So sana maging maingat.”
“Kaya tayo may regulatory agencies, kasi sila naman iyong experts, iyong may capacity na mag-assess, obligasyon na siguruhin na iyong makakapasok dito sa bansa ay dumaan talaga sa rigorous na assessment. Kapag hindi natin ito inasikaso, ano pa iyong saysay, ‘di ba?,” dagdag ni VP Leni.
Para kay Robredo, mahalagang magsimula sa mga pampublikong opisyal ang responsableng “promotion” o pagtataguyod ng pagbabakuna.
Noong nakaraang Lunes nang mabakunahan ng Sinopharm vaccine si Duterte.
Ayon sa Malacanang, ang itinurok na bakuna sa pangulo ay bahagi ng donasyon ng China. Kasali raw ito sa mga binigyan ng “compassionate special permit” ng FDA.
Nitong Sabado nang aminin ni Health Sec. Francisco Duque na mismong Department of Health (DOH) na ang naghain ng aplikasyon para sa EUA ng Sinopharm vaccines.
Hindi pa nababakunahan si Robredo kahit pasok siya sa A3 priority group o mga may comorbidity.
“Gusto ko lang siguruhin na wala akong maaagawan na iba, wala akong maaagawan na iba na dapat mas nauna sa akin.”