DAVAO CITY – Hindi sang-ayon si Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio sa rekomendasyon ng health cluster ng COVID-19 Task Force na ibalik ang pagpapatupad ng “test before travel” policy para sa mga domestic air travelers sa gitna ng banta ng Omicron variant sa bansa.
Una ng sinabi ni Mayor Inday na wala siyang plano na ibalik ang nasabing polisiya bilang bahagi ng mga rekisitos sa inbound passengers na mula sa ibang mga areas.
Nabatid na ang negative result sa reverse transcription polymerase chain reaction o RT-PCR testing ang una ng ipinatupad sa inbound domestic travelers sa nakaraang taon para maiwasan ang surge ng coronavirus disease (COVID-19).
Ipinatupad umano noon sa lungsod ang parehong hakbang lalo na at hindi pa nakapagsagawa ng mass vaccination laban sa virus.
Ang nasabing polisiya maaaring makaapekto sa dahan-dahan na pagbangon sa ekonomiya ng lungsod.
Sa kasalukuyan, marami ng dabawenyo ang nabakunahan para lamang ma-protektahan laban sa virus kung saan noong Disyembre 31, 2021 nakapagtala ang lokal na pamahalaan ng 1,230,245 indibidwal na nabakunahan ng first dose at 1,137,586 ang fully vaccinated.
Nakapagtala rin ang lokal na pamahalaan ng 28,155 na mga indibidwal na nakatanggap ng booster shots.