Nabunyag ang bagong modus na ginagamit ngayon ng mga sindikato ng human trafficking kung saan pinagpapanggap nila ang mga Pilipinong ipinapadala sa ibang bansa bilang mga misyonaryo ng Simbahan.
Ito ang ibinunyag ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Viado kasunod ng pagkakaaresto noong Abril 1 sa isang hinihinalang babaeng illegal recruiter sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung saan naharang siya at ang dalawa pa niyang biktima matapos magpanggap bilang church missionaries para sa kanilang paglalakbay sa Thailand.
Ayon sa bureau, nang suriin ang travel records ng recruiter napag-alaman na dati na rin itong bumiyahe sa Thailand kasama ang panibagong grupo ng mga pasahero na kaniya umanong church companions subalit hindi pa rin nakakabalik ang mga ito sa Pilipinas.
Inamin naman ng 2 biktima na hindi sila kasapi ng missionary group kundi sila ay mga lisensiyadong guro na ni-recruit para sa illegal employement sa isang paaralan sa Thailand.
Ayon sa BI, nagpapakita ito ng ‘Bitbit’ scheme, kung saan ang isang frequent traveler, na umaakto bilang isang courier, ay nagtatangkang maghatid ng grupo ng mga pasahero sa pamamagitan ng pagpapanggap kung saan walang kaalam-alam ang mga biktima na napipilitan sa iligal na trabaho.