Tinitignan ngayon ng Department of Transportation (DOTr) na ipagamit bilang vaccination site laban sa COVID-19 ang mga transport terminal sa bansa.
Ito ay sa gitna ng umiiral na implimentasyon ng “no vaccination, no ride” policy sa buong National Capital Region (NCR).
Ayon kay DOTr Undersecretary Artemio Tuazon Jr., kasalukuyan itong tinatalakay ngayon ng kanilang ahensya kasama ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Karamihan aniya sa kanilang tinitignang posibleng gawing vaccination site ay ang mga integrated transport terminals para sa road transport, at iba pang mga istasyon ng tren para naman sa rail transport kung sakaling matuloy at maipatupad ito.
Kakayanin daw kasi ng mga ito na i-secure ang mga bakunang kontra COVID-19 at i-accomodate ang mga indibidwal na kinakailangang mabakunahan laban sa nakamamatay na virus.
Dagdag pa ng opsiyal, sa katunayan ay ipinag-utos na rin daw ni DOTr Secretary Arthur Tugade sa Professional Regulatory Board (PRB) na tignan kung maaari rin na magbukas ng mga vaccination drive sa mga express way na plano naman na ilaan para sa mga kababayan nating driver at operator ng public utility vehicles (PUV).
Samantala, kooperasyon naman ang pakiusap ng DOTr sa publiko lalo na sa mga pasahero kaugnay sa kanilang ipinapatupad na “no vaccination, no ride” policy sa mga pampublikong transportasyon dahil para rin anila ito sa proteksyon ng bawat isa
Ito ay upang mapanitiling ligtas ang transport system sa bansa at masigurong magpapatuloy ang operasyon nito sa gitna ng peligro at banta na hatid ng COVID-19.
Ngayon ang ikatlong araw ng pagpapatupad ng “no vaccination, no ride” policy sa buong Metro Manila kung saan ay maraming mga pasahero ang nasita at pinauwi matapos na bigong makapagpakita ang ito ng katunayan na sila ay mga fully vaccinated na.
Nilinaw naman ng kagawaran na exempted din ang mga manggagawa sa naturang polisiya basta’t makapagpakita lamang ang mga ito Certificate of Employment o Company/Employee ID.