-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Maaari ng ma-refer sa mga pribadong ospital ang mga mahihirap na pasyente na tinamaan ng sakit na dengue.

Ito ay matapos aprubahan ng Aklan Sanggguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Florencio Miraflores na mabigyan ng otoridad na pumasok sa isang memorandum of agreement (MOA) sa tatlong pribadong ospital sa Kalibo nga tatanggap ng mga indigent patients mula sa provincial hospital.

Ayon kay Board Member Harry Sucgang na layunin nito na maiwasan ang pagsikip ng mga pasyenteng may dengue sa mga pampublikong ospital.

May itinakda umanong pondo ang Department of Health sa provincial government sa pamamagitan ng kanilang Medical Assistance to Indigent Patients (MAIP) program.

Mangangailangan muna ng referral mula sa provincial hospital bago mailipat sa tatlong pribadong ospital sa lalawigan na nagpahayag ng interes na tutulong.

Nabatid na noong Hulyo 15 ay idineklara ang dengue outbreak sa Aklan, kung saan, umaabot na ngayon sa 2,999 ang naitalang kaso simula Enero hanggang Hulyo 20 at 16 ang nasawi.