-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Sasagutin ng management ng Bachelor Express Incorporated ang gastusin sa pagpapagamot ng 20 mga pasahero ng kanilang bus unit na nahulog sa bangin ng Brgy. Amparo nitong lungsod ng Butuan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Butuan City Police Office spokesperson PCaptain Anne Cubio na ayon sa kanilang inisyal na imbestigasyon, nawalan ng kontrol ang steering wheel ng bus at nag-malfunction pa sanhi ng pagkahulog.

Nagtamo lamang umano ng minor injuries ang 20 sa 25 mga pashero ngunit kritikal ang driver na si Joven Vuelban, 40-anyos, binata at residente ng Purok 3, Brgy. Sumilihon nito ring lungsod.

Handa namang kakasuhan ng pulisya ang management ng bus company sakaling mapatunayang may kapabayaan sa kanilang yunit matapos inihayag ng isa sa mga pasahero na itinulak na ang bus nang ito’y lumisan mula sa bayan ng San Luis, Agusan del Sur at patungo sana nitong lungsod.