KALIBO, Aklan — Magpapatuloy ngayong Pebrero ang pagpapagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ng phase 3 ng road rehabilitation sa isla ng Boracay.
Ayon kay DPWH Assistant Regional Director Jose Al Fruto, may kabuuang pondo na P237 milyon ang pagpapagawa sa natitirang 11.64 kilometers na Boracay circumferential road, gayundin ang iba pang mga kalsada.
Kasama dito ang konstruksyon ng boardwalk na may habang isang kilometro sa Ati village na gagamiting alternatibong daan para sa emergency at rescue vehicles sa Barangay Balabag.
Nabatid na ang Boracay Inter-Agency Task Force ang naka-monitor sa nagpapatuloy na rehabilitasyon sa isla, kung saan hanggang Mayo 8, 2021 ang termino ng task force maliban na lamang kung muling palalawigin ni Pangulong Rodrigo Duterte.