TUGUEGARAO CITY- Imposible umano na matatapos ngayong taon ang pagpapatayo ng mga bagong paaralan sa Itbayat, Batanes matapos na gumuho ang tatlong paaralan doon.
Sinabi ni Dr. Estela Cariño, director ng Department of Education (DEPED) Region 2 na totally damaged ang tatlong paaralan.
Bukod dito, sinabi ng opisyal na ina-assess na kung ligtas pang gamitin ang iba pang paaralan na nagkaroon ng bitak bunsod ng nangyaring magkasunod na lindol.
Dahil dito, sinabi ni Cariño na naghahanap na sila ng alternatibong classrooms para sa 888 students na apektado ng sakuna.
Personal na nagtungo si Cariño at iba pang opisyal ng DepEd Central office at Basco, Batanes sa Itbayat at nakita ang pinsala na iniwan ng lindol.
Samantala, sinabi ni Cariño na humihingi na rin sila ng tulong sa mga kawani ng DepEd na magbigay ng cash donations para sa mga guro na nawalan din ng bahay dahil sa mga pagyanig.
Ayon sa kanya, kahit na apektado ang mga guro sa lindol ay tumutulong pa rin ang mga ito sa kanilang komunidad.