VIGAN CITY – Makikipagpulong umano kay Pangulong Rodrigo Duterte si Agriculture Secretary William Dar upang talakayin ang pagpapatigil ng rice importation kasabay ng anihan ng mga local na magsasaka.
Sa mensaheng ipinadala sa Bombo Radyo Vigan ni DA spokesperson Noel Reyes, sinabi nito na ipapaliwanag umano ni Dar sa pangulo kung ano ang mga kailangang suporta ng kagawaran upang gawing competitive ang mga magsasaka, pati na ang kanilang mga produkto upang hindi na mag-angkat pa sa ibang bansa ang pamahalaan.
Susubukan din umanong ilatag ng kalihim ang iba’t ibang paraan upang mapataas ang presyo ng mga produkto ng mga magsasaka, lalo na ang palay.
Maliban pa rito, hihilingin din umano ng opisyal na madagdagan ang pondo ng National Food Authority (NFA) para sa rice procurement upang matapatan ng DA at NFA ng mas mataas na presyo ang bilihan ng palay sa mga lugar na mababa ang alok ng mga rice traders.