CAUAYAN CITY – Inihayag ng Integrated Bar of the Phils. o IBP na ang pagpapahiram ng law enforcement powers ni pangulong Rodrigo Duterte kay Vice President Leni Robredo ay naaayon sa batas.
Sa naging panayam ng bombo Radyo Cauayan kay Integrated Bar of the Philippines national president Atty. Domingo “Egon” Cayosa, sinabi niya na bagamat maaaring gawin ito ng Pangulo ay hindi niya maaaring iasa sa kakayahan ni Vice President Robredo ang pagpapatupad ng kampanya kontra iligal na droga at pagsisiyasat sa kaso ng Ninja Cops dahil mandato ito ng Punong Ehekutibo.
Aniya kung ang layunin ng pangulo ay mahasa pa ang kakayahan ng bise presidente ay maaari niyang italaga na pinuno ng isang task force o commission na maaaring tumutok sa kampanya sa iligal na droga.
Dagdag pa ni Atty. Domingo Cayosa na wala siyang nakikitang mali sa hangarin ng pangulo subalit na kay Vice President Robredo pa rin ang pagpapasiya kung tatanggapin niya ang iaalok na posisyon sa kaniya ng Pangulo.
Iminungkahi ni Atty. Cayosa na sa halip na magbatikusan ang Punong ehekutibo at bise presidente ay magtulungan upang matugunan ang marami pang mga issue sa bansa maliban sa usapin ng iligal na droga.