-- Advertisements --

Nagdesisyon ang Tourism Infrastructure Enterprise Zone Authority (TIEZA) na hindi na ituloy ang una nitong inirekomendang proyekto na pagpapailaw sa bulkang Mayon.

Una kasing umani ng mga batikos mula sa publiko at iba’t-ibang grupo ang naturang proyekto.

Kasunod nito ay naglabas ng statement ang TIEZA na hindi na itutuloy ang naturang proyekto dahil mahalaga umanong makuha ang ‘full support’ ng publiko at ang tuluyang pagtanggap ng mga stakeholder sa naturang proyekto.

Mayroong P500 million na inisyal na pondo para sa naturang proyekto na tinawag bilang Mayon Volcano Heritage Aesthetic Lighting Project.

Sa ilalim nito, nais ng ahensiya na mapataas pa sana ang visual appeal ng bulkang Mayon, lalo na sa nighttime tourism.

Gayonpaman, kaliwa’t-kanang pagtutol naman ang hinarap nito mula sa mga environmental advocate at mga heritage group. Ipinagdidiinan ng mga ito ang posibleng epekto ng naturang proyekto sa natural beauty ng bulkan, kasama na ang impact nito sa ecosystem nito.

Ang bulkang Mayon ay isa sa mga kilalang iconic natural landmark sa Pilipinas dahil sa ‘perfect cone’ na hitsura nito.