Nilinaw ng hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na hindi overkill ang pagpapakalat ng 23,000 kapulisan at iba pang force multipliers para sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa araw ng Lunes, Hulyo 22.
Paliwanag ni NCRPO chief Maj. Gen Jose Melencio Nartatez Jr. na nasa humigit kumulang 2,000 VIPs gaya ng mga opisyal ng gobyerno at diplomats ang nasa House of Representatives para sa SONA habang nasa 8,000 katao naman ang inaasahang makikilahok sa mga rally sa labas ng Batasang Pambansa.
Ipinunto pa ng NCRPO chief na kanilang sinisiguro din na magiging seamless, smooth at mapayapa ang paghahatid ng ulat sa bayan ni Pangulong Marcos.
Una na ngang sinabi ni Nartatez na nadagdagan pa ng 1,000 personnel ang idedeploy para tiyakin ang seguridad sa SONA kayat ang kabuuang bilang ng kapulisan at government security elements na ipapakalat ay nasa 23,000 na.
Sa nasabing bilang, 8,000 law enfrocers ang itatalaga sa Commonwealth Avenue at IBP road kung saan inaasahang magsasagawa ng rally ang pro-government at mga militanteng grupo.
Ginawa ng police official ang paglilinaw matapos tawagin ni Bayan Secretary Mong Palatino na overkill ang paghahanda at deployment ng PNP.
Samantala, sa ngayon naka-heightened alert na ang NCRPO habang simula naman bukas o sa bisperas ng SONA ay magiging full alert na ang kapulisan.