Sa unang pagkakataon ay nagsalita na si Atty Harry Roque kasunod ng unang pagpapakalat sa kanyang mga wanted poster sa mga lansangan.
Nitong nakalipas na araw ng Biyernes, Sept 20, nagdikit ang mga miyembro ng Akbayan ng mga wanted poster at iinilagay ang mga ito sa iba’t-ibang lokasyon, na may mga nakaimprentang ilang mga kataga tulad ng POGO lawyer.
Tinawag ni Roque bilang ‘cheap political stunt’ ang naturang hakbang at pinayuhan ang Akbayan na mag-pokus na lamang para ipaglaban ang mga ordinaryong Pinoy sa halip na gawin ito.
Dagdag pa ng dating mambabatas, nakakalungkot na makitang nagiging bulag, pipi, at bingi ang grupong Akbayan pagdating sa mga pangunahing isyu na nakaka-apekto sa maraming mga Pilipino tulad ng paglilipat ng pondo ng Philhealth.
Mas pinag-tutuunan pa aniya ng pansin ang tulad niyang isang private citizen.
Giit pa ng abogado, hindi siya isang pugante at wala siyang nalabag na anumang batas.
Unang naglabas ng arrest order ang Kamara laban kay Roque ngunit nang isilbi ng House Sergeant-at-Arms sa kanyang address sa Makati City, wala roon ang abogado.
Una na ring sinabi ng Philippine National Police (PNP) na bumuo na ito ng tracker team upang hanapin ang dating presidential spokesperson.