ILOILO CITY – Apektado ang pagsasagawa ng COVID-19 test sa buong Western Visayas dahil sa palagiang power interruptions sa lungsod ng Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Dr. Stephanie Abello, chief pathologist ng Western Visayas Medical Center, sinabi nito na halos kalahati ang nabawas sa laboratory results na ipinapalabas sa nasabing COVID-19 hospital.
Ayon kay Dr. Abello, sa mahigit 12-hour blackout na nangyari nong Hunyo 20 hanggang 21, umabot lamang sa 400 na specimens ang napasailalim sa test na mas mababa sa 1,000 na target.
Inihayag ni Dr. Abello na hindi gagana ang automated machine para sa swab specimens gamit lamang ang power generator at apektado rin ang access sa bio-safety cabinet.
Napag-alaman na maliban sa Iloilo City, ang specimens mula sa Aklan, Antique, Capiz, Guimaras at Iloilo province ay dinadala pa sa nasabing COVID-19 hospital upang ipasuri.