VIGAN CITY – Tututukan ng bagong talagang Department of Agriculture (DA) secretary ang pagpapalago sa kita at kabuhayan ng mga magsasaka kasabay ng pagtitiyak ng food security sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay DA Secretary William Dar, sinabi nito na ang pagtiyak sa food security ng bansa kasabay ng malagong kita at kabuhayan ng mga magsasaka ang pangunahing layunin ng kanilang ahensya.
Kasabay nito, sinabi ni Dar na titingnan nito ang iba’t-ibang paraan kung paano maitataas ang kita ng mga magsasaka sa kabila ng pagpapatupad ng Rice Tarrification Law sa Pilipinas.
Aniya, bago pa lamang ang batas kaya kailangan ng wastong implementasyon nito upang matulungan ang mga magsasaka at hindi sila mangamba sa kanilang kita kasabay ng pagpasok ng mga imported na bigas.
Inaasahan nito na hindi lamang ng National Food Authority ang katuwang ng DA sa pagtulong sa mga magsasaka, kundi pati na mga local rice traders.
Samantala, nagpapasalamat ang opisyal sa pagpili sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang kapalit ni dating Agriculture Secretary Manny Piñol at gagawin nito ang lahat ng kaniyang makakaya upang hindi madismaya ang pangulo sa kaniya.
Si Dar na tubong Sta. Maria, Ilocos Sur, ay dati nang nagsilbing acting Agriculture secretary sa panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada.