-- Advertisements --

LEGAZPI CITY– Nagbigay ng pag-asa sa mga mangingisda ang naging pagbisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr sa rehiyong bikol.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Nilo Consuelo, spokesperson ng Bureau Fisheries and Aquatic Resources V, umaasa ang mga mangingisda na madadagdagan ang livelihood programs sa rehiyon.

Kaugnay ng nasabing pagbisita, mamimigay ng 80 units ng 30 footer na mga bangka na may kompletong kagamitan sa mga piling mangingisda.

Sa likod nito, inihayag ng ahensya ang naging pangako ng Pangulo na mapalakas ang produksyon at maparami ang mga huling isda sa municipal waters.

Aniya, mapapalakas lamang ang supply ng isda sa rehiyon sa oaamagitan ng pagkompleto sa value chain o ang pagpapalakas ng aqua-culture.

Ibig umanong sabihin, ay hindi lamang aasa sa mga mahuhuling isda sa karagatan at tubig na sakop ng bikol kundi mag-aalaga na rin upang makontrol ang araw o ilang mga isda ang iha-harvest at ipapalabas.

Kabilang sa aqua-culture ang pag-aalaga ng mga isda sa fish cages na kasalukuyang isinasagawa sa Sula, Bacacay Albay, Sangay Camarines Sur, Masbate at sa Bacon, Sorsogon.

Sa ganitong paraan mapapalakas umano ang supply at mababalanse rin ang presyo ng isda merkado kahit pa may may mga kalamidad o bagyong dumaan at maiiwasan na rin pag-aangkat ng isda mula sa ibang bansa.

Samantala, ipinapatayo na rin ngayon sa bayan ng Ligao, sa probinsya ng Albay ang multi-species marine hatchery, kung saan layuning makapag-culture o alaga ng mga fingerlings o bangus at iba pang maliliit na isda.

Ang mga ito umano ang maaaring maging supply ng mga maliliit nna mangingisdang-negosyante nang sa gayon ay hindi kailangan pang bumili mula sa probinsya ng Sarangani o sa labas ng bansa tulad ng Indonesia.

Sa tulong din ng bagong pasilidad maiingganyo ang mga residenteng magsimula ng palaisdaan sa fresg o marine water man dahil sa pagiging available at mas malapit na mapagkukunan ng inputs.