-- Advertisements --

Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte ng pagpapalakas ng public health cooperation sa pagitan ng Pilipinas at China sa harap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Ginawa ni Pangulong Duterte ang nasabing pahayag kasabay ng courtesy call ni Chinese Foreign Minister Wang Yi sa Malacañang nitong Sabado.

Ayon sa presidente, hindi lamang pinangalagaan ng kooperasyon sa gitna ng pandemya ang kalusugan ng mga tao dahil pinabilis din umano nito ang pagbangon ng ekonomiya ng parehong bansa at ng rehiyon.

“The recovery of nations… sits on the back of stronger economies. China plays a very key role in reviving our region’s economy. Let us do all we can to revive economic activities between the Philippines and China,” wika ni Pangulong Duterte.

Ikinalugod din ng Punong Ehekutibo ang suporta at kooperasyon ng China sa laban ng Pilipinas sa COVID-19.

Una rito, inanunsyo ni Wang na balak ng China na mag-donate ng 500,000 doses ng bakuna sa Pilipinas.

Hindi naman binanggit ni Wang kung saang kompanya manggagaling ang mga bakuna, maging kung kailan ito darating sa Pilipinas.