Nakahanda ang ilang senador na suportahan ang Department of Health (DoH) para maibalik ang naisantabing immunization program dahil sa kakapusan ng pondo.
Sa pagdinig ng Senate committee on health na pinangunahan ng chairman nito na si Sen. Bong Go, lumitaw na noong Abril pa sana sisimulan ang pinalakas na pagbabakuna, bago pa man ang dengue outbreak at panunumbalik ng polio sa ating bansa.
Pero dahil sa iba pang mahalagang pangangailangan, ang napondohan muna ay ang para sa oral health program ng ahensya.
Kaya naman, hiling ni Dr. Anthony Calibo ng DoH-Family Health Office, mapaglaanan na ito ng angkop na pansin bilang tugon sa mga naglipanang sakit, lalo na ng mga bata.
Kaugnay nito, pinaburan nina Sens. Nancy Binay, Risa Hontiveros at Go ang kahilingan ng DoH.