Kapwa isusulong ng Pilipinas at Vietnam ang pagpapalakas ng kooperasyon sa ekonomiya partikular sa agrikultura at kalakalan.
Ito ay resulta sa naging pulong nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vietnamese Prime Minister Pham Minh Chinh sa sidelines ng 44th at 45th ASEAN Summit sa Lao People’s Democratic Republic.
Ayon sa Pangulo, naging produktibo ang pulong nila ng Vietnamese Leader, at ang dalawang bansa ay kapwa nasa direksyon ng economic transformation.
Dahil dito umaasa si Pang. Marcos na ang kolaborasyon at “healthy competiton” ng Pilipinas at Vietnam ay patuloy na magdadala ng kapakinabangan sa kani-kanilang mamamayan.
Tiniyak ng dalawang lider ang pag-aangat ng pagtutulungan sa mga pangunahing sektor, bilang pagdiriwang na rin ng ika-sampung anibersaryo ng Philippines-Vietnam Strategic Partnership sa 2025.
Nagpaabot naman ng pakikidalamhati ang Pangulo para sa mga nasawi sa pananalasa ng typhoon yagi sa Vietnam, at para na rin sa pagpanaw ni Vietnam Communist Party General Secretary Nguyen Phu Trong.
“We have made a good deal of progress since our very first discussion and some of the engagements between our two countries. And I am very happy that we will be able to pursue that,” pahayag ni President Marcos.