COTABATO CITY – Isinusulong ng Philippine Rubber Research Institute o PRRI ang pagpapalakas sa produksyon ng goma sa Mindanao lalung-lalo na sa Rehiyon Dose at mga karatig lugar nito.
Isang kasunduan ang nilagdaan kamakailan sa pagitan ng ahensya at Department of Agriculture XII upang palaguin ang limang ektaryang lupain na gagawing “experiment station” sa bayan ng Carmen, Cotabato Province.
Ilan sa mga nakasaad sa naturang kasunduan ang mga alituntunin na dapat gawin ng PRRI gaya ng pagsasagawa ng rubber research at development programs, pagpaparami ng magagandang clones o uri ng rubber plants, at pagpapalakas sa kakayahan ng mga magsasaka at iba pang stakeholders.
Ayon kay PRRI Officer-in-Charge Engr. Roger Bagaforo, ang pagkakaroon ng mas pinalawak na experiment station sa rehiyon ay makatutulong upang mapabilis ang technology transfer para sa mga bagong rubber clones na mas maganda ang katangian kumpara sa ilang mga clones na kasalukuyang itinatanim ng mga magsasaka.
Dagdag pa ni Bagaforo layunin ng PRRI na mas marami ang makapagtanim ng mga magagandang uri ng rubber clones kagaya ng kanilang naipamahagi sa Zamboanga Peninsula na syang tinaguriang rubber capital ng bansa.
Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority sa taong 2020, abot sa higit 165,600 metric tons ng rubber cuplumps ang naging produksyon ng Zamboanga Peninsula; samantalang nasa higit 136,700 MT ang Region 12; at 77, 600 MT naman ang naging produksyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Samantala, ipinagmalaki rin ni Bagaforo na nakabuo na sila ng isang teknolohiya katuwang ang University of Southern Mindanao sa Kabacan ,Cotabato kung saan kaya ng mapakapagproduce ng rubber planting materials sa loob lamang ng 5 buwan kumpara sa dating 18 buwan.
Ang naturang teknolohiya umano ay malaking tulong sa buong industriya ng rubber lalung-lalo na sa mga magsasakang nagpaparami ng kanilang mga planting materials.