Tiniyak ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. ang kaniyang suporta sa mga magsasaka, mangingisda at micro, small, and medium enterprises (MSMEs) para mapalakas pa ang kanilang production at masustene ang Kadiwa outlets sa buong bansa.
Sa isang panayam sa CamSur kanina, sinabi ng Pangulo na ang nakikita niyang paraan para mapanatili ang operasyon ng Kadiwa outlets sa buong bansa ay palakasin ang produksiyon ng mga local producers.
Layon din ng Pangulo na maiwasan na rin ng gobyerno ang pag import ng mga produkto.
“So ‘yun ang general system na ating ginagawa. Pero ang puno’t dulo niyan, para mawala na ‘yung importation, para patuloy, hindi na natin kailangan bayaran ‘yung inflation na nanggagaling sa ibang lugar dahil nag-i-import tayo roon. Basta’t nandito lang tayo kumukuha,” pahayag ng Pangulo.
Aniya kung tumaas ang produksiyon bababa rin ang production cost maging ang presyo ng mga bilihin sa merkado.
Dagdag pa ng Pangulo ang pagpapalalakas ng local production ay makakatulong para maibsan ang nararanasang inflation.
Target din ng Pangulo na gawing high tech ang operasyon ng Department of Agriculture sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga makabagong teknolohiya.
Dapat rin aniya matutunan din ng mga taga DA ang mga pinakamagagandang bagong technique at estratehiya para sa pagsasaka at ipapasa ang mga natutunan sa mga magsasaka.
Si Pangulong Marcos ay siya ring kalihim ng Department of Agriculture.