-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Ikinabahala ngayon ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan ang pagpapalaki sa isyu ng sinkholes sa isla ng Boracay.

Ayon kay Punong Barangay Nixon Sualog ng Barangay Manocmanoc, Boracay na posibleng makaapekto ito sa pananaw ng mga turista kung saan, bumabawi pa lamang ang isla sa industriya ng turismo.

Iginiit ng punong barangay na wala pang pinal na pag-aaral na ibinigay sa kanila ang Department of Environment and Natural Resources-Mines and Geosciences Bureau (DENR-MGB) Region 6 hinggil sa daan-daang sinkholes na umano’y nadiskubre ng ahensya sa buong isla.

Nakakabahala na umano ang mga news article na nagsilabasan tungkol sa Boracay na ang ilan sa mga ibinabalita ay walang katotohanan at nagbibigay lamang ng kalituhan sa may planong bumisita sa isla ngayong holiday season.

Sa katunayan ay apat lamang na sinkholes ang nadiskubre sa nasabing barangay noong 2018 at nalagyan na ito ng mga red markings kung kaya’t hindi natuloy ang dalawang palapag sana na paaralan na pinondohan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Iminungkahi ni Sualog na sa halip na isyu sa sinkholes ang pagtuunan ng pansin ay bakit hindi na lamang magpokus ang ahensya sa isyu ng basura na pangunahing problema sa Boracay na naging dahilan rin ng pansamantalang pagpasarado sa isla noong 2018 ni dating pangulong Rodrigo Duterte.