Naghain ng panukalang batas si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ukol sa pagpapalawak ng batas sa compulsory insurance coverage ng overseas Filipino workers (OFWs) para saklawin nito maging ang mga rehire, direct hire at government hire.
Sinabi ni Estrada sa kanyang inihaing Senate Bill No. 2948, na layong amyendahan ang Republic Act No. 8042 o ang Migrant Workers and Overseas Filipino Act of 1995, na hindi dapat ipaako ang pagbabayad ng insurance policy sa mga OFW.
Sa ilalim ng umiiral na batas, tanging ang mga agency-hired ang may compulsory insurance coverage.
Ang panukalang batas ay magbibigay ng financial security sa mga OFWs at kanilang pamilya kung may haharapin silang mga hindi inaasahang pangyayari at magsisiguro sa mga pananagutan ng mga recruitment agencies pati ng kanilang foreign employers.
Itinatakda ng bill ang mahigpit na pamantayan sa mga insurance providers at pagpapatupad ng mga insurance policy na saklaw ang employment period ng OFW maliban na lamang kung iba ang nakasaad sa nasabing insurance policy.
Tanging mga insurance company na rehistrado sa Insurance Commission (IC) at hindi bababa sa limang taon ang operasyon ang maaaring magkwalipikado.
Para maprotektahan ang mga OFW sa mga insurance scheme at ilegal na insurance providers, magpapatupad ng verification system ang Department of Migrant Workers (DMW) at ang Insurance Commission (IC) para mapatunayan na lehitimo ang mga digital policy at pangasiwaan ang pagsunod sa mga kautusan sa panukalang batas.
Nakasaad din sa panukalang batas na ang principal employer at recruitment agencies ay dapat tumulong sa pag-proseso ng mga claim at pagsusumite ng insurance certificate para sa Overseas Employment Certificates (OECs) ng mga OFWs.