-- Advertisements --

Kinatigan ni Senador Alan Peter Cayetano ang panukalang palawakin ang paraan ng pagboto ng Overseas Filipino Workers (OFWs) at iba pang Pilipino sa ibang bansa sa pamamagitan ng electronic at postal voting.

Ito ay kasunod ng paglalathala ng Senate Committee Report No. 369, na inihain ng Senate Committees on Electoral Reforms; and Finance at sponsor na si Senadora Imee Marcos. 

Layunin ng panukalang ito na amyendahan ang Overseas Absentee Voting Act upang tugunan ang mga hamon na nararanasan ng mga botanteng Pilipino sa ibang bansa at maiwasan ang kanilang pagka-disenfranchise.

Sinabi rin ng senador na malaki ang ambag ng mga OFW noong 2023 na may kabuuang $33.5 bilyon na remittances — katumbas ng 8.5% ng GDP ng bansa.

Binigyang diin ni Cayetano na ang panukala ay naaayon sa Article II, Section 5 ng Konstitusyon ng Pilipinas na nag-aatas ng ligtas na sistema para sa absentee voting para sa mga Pilipino sa ibang bansa.

Ang panukala ay naglalayong magkaroon ng electronic voting gamit ang mga ligtas na online platform pati na ang postal voting para sa mga may limitadong akses sa internet.

 Layon din nitong magkaroon ng sistema para sa mga seafarers kung saan maaari silang bumoto online kahit hindi na bumaba ng barko.

Upang matiyak ang seguridad at madaling paggamit ng mga bagong paraan ng pagboto, ang Commission on Elections (COMELEC) ay inaatasang magtakda ng mga alituntunin para mapangalagaan ang datos ng mga botante at siguraduhing madaling magamit ng mga Pilipino sa ibang bansa.