-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Patuloy na tinututulan ng mga mamamayan, taga-simbahan at mga environmental group sa Zambales ang expansion project ng Masinloc Power Plant na unti-unti na umanong sinisimulan ang construction sa naturang lugar.

Sa interview ng Bombo Radyo Kalibo, sinabi ni Joey Marabe, Provincial Coordinator sa Zambales ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas o PAMALAKAYA na nagsagawa sila ng kilos protesta upang tutulan ang pagpapalawak ng planta ng kompaniyang San Miguel Global Power na sinasabing magtatayo ng dalawa pang dagdag na unit ng plantang coal-powered o pinatatakbo ng karbon.

Ang nasabing planta aniya ang nagsu-supply ng kuryente sa Central Luzon, subalit pumipinsala ito sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan lalo na sa Masinloc Bay.

Sa katunayan, nakapinsala umano sa fish sanctuary ang tumilapon na carbon mula sa lumubog na barge sa Zambales sa pananalasa ng Bagyong Kristine.

Naghain aniya sila ng petisyon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang maimbestigahan ang insidente.

Dagdag pa ni Marabe na nagtataka umano sila kung bakit nagpalabas ang provincial government ng Zambales ng “resolution of no objection” o walang pagtutol sa hiling ng kompaniya na expansion ng planta noong Setyembre 2 sa kabila ng naunang inihaing petisyon ng pagtutol ng mga taong simbahan at mga residente sa palibot ng planta.

Maraming residente na umano ang napaalis sa kanilang mga tirahan at nawalang ng kabuhayan sa paligid ng planta.

Nakaranas rin umano ang mga ito ng pinsala sa kanilang kalusugan, at ginigipit at tinatakot ang mga tumutol.