-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Welcome development para sa lokal na pamahalaan ng Aklan ang pagpapalawig ng Duterte administration ng halos siyam na buwan sa Boracay Inter- Agency Task Force (BIATF).

Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 147 kaugnay sa pagpapalawig ng termino ng BIATF na magtatagal hanggang Hunyo 30, 2022.

Ayon kay Provincial Administrator Atty. Selwyn Ibarreta malaking tulong ito upang matiyak na matatapos ang natitira pang mga mahahalagang proyekto sa ilalim ng Boracay Action Plan.

Binuo ang BIATF upang pangunahan ang ginawang paglilinis at rehabilitasyon sa Boracay noong 2018 matapos bansagan ni Pangulong Duterte bilang cesspool.

Nauna dito, umapela si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu ng extension dahil sa nakabinbing Boracay Island Development Authority (BIDA) bilang government-owned and controlled corporation (GOCC) sa Kongreso na mahigpit na tinututulan ng mga taga-isla.