Mayroong malaking epekto sa ekonomiya ang panibagong pagpapalawig ng isang linggong enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region at sa apat na karatig na lugar nito.
Ayon kay Employers Confederation of the Philippines (ECOP) president Sergio Ortiz-Luis Jr., bilyong piso ang magiging lugi ng mga negosyo sa nasabing panibagong isang linggong ECQ.
Noong unang ECQ aniya sa Holy Week ay walang gaanong epekto nito dahil regular naman na nagpapatupad ng holiday ang mga employers tuwing Semana Santa.
Kung sinunod lamang aniya ng gobyerno ang paglalagay noon ng mga quarantine facilities ay hindi magkakaroon ng pagsisiksikan sa mga pagamutan.
Magugunitang pinalawig ng gobyerno mula Abril 4, hanggang April 11 ang ECQ sa NCR, Laguna, Bulacan, Rizal at Cavite dahil sa patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19.