-- Advertisements --
image 182

Isa ng ganap na batas ang panukala na nagpapalawig pa sa estate tax amnesty hanggang sa Hunyo 14, 2025.

Ito ay matapos na mag-lapse into law nang walang lagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Agosto 5.

Alinsunod kasi sa Konstitusyon, ang panukalang batas ay maaaring maging batas, kahit na walang pirma ng Pangulo ito ay kung hindi nilagdaan ng chief executive ang isang panukalang batas sa loob ng 30 araw mula ng matanggap ng kanyang opisina.

Layunin ng bagong batas o ang Republic Act No. 11956 na bigyan ng oportunidad ang mga hindi nakabayad ng estate tax kabilang na dito ang mga hindi nabayarang estate tax ng mga pumanaw bago o sa mismong May 31, 2022.

Sa ilalim kasi ng bagong batas, hindi na sila pagbabayarin ng multa o interes at maaaring bayaran ang estate tax sa pamamagitan ng installment sa loob ng 2 taon mula sa statutory period para sa pagbabayad.

Mas pinadali na rin ang proseso ng pagbabayad ng estate tax amnesty sa ilalim ng bagong batas kung saan maaaring maghain ng aplikasyon para sa estate tax amnesty electronically at nilimitahan na din ang bilang ng mga dokumento na kailangang i-file.

Gayundin ginawang 30 araw na lamang mula sa 60 araw ang pagpapalabas ng implementing rules and regulations ng batas.

Ayon naman kay House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda, pangunahing may-akda ng bagong batas na magbebenipisyo dito ang nasa 920,000 pamilyang Pilipino na may hindi nababayarang estate tax na karamihan ay agrarian reform beneficiaries na nasa 610,054 na napalaya kamakailan mula sa kanilang pagkakautang dahil sa New Agrarian Emancipation Act na nilagdaan ni PBBM.

Pinasalamatan naman ng mambabatas si PBBM at binati si House Speaker Martin Romualdez na siyang nanguna aniya sa pagsusulong sa batas para sa panibagong tagumpay na ito.

Magiging epektibo ang batas 15 araw matapos ang publication nito sa Official Gazette kahapon, Agosto 8.