-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nasa higit 100 indibidwal na umano ang isinailalim sa swab test nitong Huwebes na resulta ng contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga COVID-19 positive sa Legazpi.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mayor Noel Rosal, kabilang sa naturang bilang ang mula sa mga barangay ng Pigcale, Sabang at Baybay na kasalukuyang nasa lockdown.

Dinala na rin ang mga ito sa quarantine facility habang wala na ring naka-home quarantine.

Pinaabutan na rin ng relief goods ang mga apektado.

Sa ngayon, aminado si Rosal na hindi pa alam kung papalawigin pa ang 10 araw na lockdown sa mga nasabing barangay na nakadepende aniya sa magiging sitwasyon ng COVID-cases sa lugar.

Magkakatabi rin umano ang mga bahay sa mga nasabing barangay na lubhang mapanganib kung kumalat ang sakit kaya’t hiling ang kooperasyon ng lahat.