-- Advertisements --

Inaprubahan na ng Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na palawigin pa ng dalawang linggo ang travel ban para sa mga flights na magmumula sa United Kingdom.

Ang nasabing mungkahi ay inilutang ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa pulong ng Pangulong Duterte sa IATF at sa mga health experts.

“In addition, can I propose a fourth one? An extension of the travel ban for all flights coming from the UK including those who transmitted in the UK for another two weeks?” wika ni Roque.

“Okay. I accept that. It’s good. It’s amended accordingly,” tugon naman ng Pangulong Duterte.

Kung maalala, una nang sinuspinde mula Disyembre 24 hanggang 31 ang mga flights mula United Kingdom, kung saan nadiskubre ang bagong strain ng coronavirus na sinasabing mas mabilis makahawa, patungong Pilipinas.

Maliban sa pagpapalawig ng travel ban, inaprubahan din ng Pangulong Duterte ang rekomendasyon ng IATF na mandatory 14-day quarantine para sa mga biyahero mula Hongkong, Singapore, at Australia na nakapag-ulat na ng mga kaso ng bagong coronavirus variant.

Maging ang rekomendasyon ng task force na ikokonsidera lamang ng pamahalaan ang pagpapataw ng travel restrictions sa ibang mga bansa kung may maitala nang community transmission ng bagong virus strain ay sinang-ayunan na rin ng Pangulong Duterte.

Ang mga specimens din mula sa mga biyahero mula sa UK ay dapat na ring isumite sa Philippine Genome Center para sa genomic sequencing.