-- Advertisements --

Opisyal nang ipinag-utos ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) sa mga train management sa Metro Manila na palawigin pa ang oras ng kanilang mga biyahe.

Ayon kay DOTr Secretary Jaime Bautista, ito ay upang matugunan ang inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong panahon ng kapaskuhan.

Kabilang sa mga inatasang palawigin ang operasyon ay ang Light Rail Transits 1, Light Rail Transits 2, at ang Metro Rail Transit (MRT) 3.

Susundin na ng mga train management ang bagong schedule katulad ng mga sumusunod: mula sa dating alas-9:30 ay magiging alas-10:30 na ng gabi ang huling biyahe ng MRT-3 mula North Avenue Station patungong Taft Avenue.

Ang pabalik naman sa naturang ruta ay magiging alas-11:05 na ng gabi mula sa dating 10:09 ng gabi.

Magiging alas-10:45 ng gabi naman ang huling biyahe ng LRT line 1 mula Baclaran patungong Fernando Poe Jr. Station. Ito ay mula sa dating alas-10 ng gabi.

Magiging alas-11 ng gabi naman ang huling biyahe mula Fernando Poe Jr. Station patungong Baclaran mula sa dating alas-10:15 ng gabi

Sa ilalim ng LRT line 2 na may biyaheng Recto hanggang Antipolo Station, magiging alas-10 na ng gabi ang huling biyahe. Ito ay mula sa orihinal na alas-9 ng gabi

Magiging alas-10:30 na rin ang huling biyahe mula Recto patungong Antipolo mula sa orihinal na alas-9:30 ng gabi.

Ayon kay Sec Bautista, kailangang mag-adjust din ang ahensiya sa dami ng inaasahang mga bibiyahe ngayong panahon ng kapaskuhan, at upang matiyak na mabibigyan ang mga ito ng sapat na transportasyon.