-- Advertisements --

Ikinatuwa ni Department of the Interior and Local Government Secretary Secretary Jonvic Remulla ang naging desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palawigin pa ang termino ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil.

Ayon kay Remulla, malaki ang partisipasyon ng Philippine National Police upang mapanatili ang kapayapaan at katiwasayan sa panahon ng halalan.

Ang pagpapalawig sa termino ng Hepe ng Pambansang Pulisya ay makatutulong upang hindi magbago ang mga polisiya na una nang inilatag.

Bukod dito ay makatutulong rin ang apat na buwang term extension ni Marbil upang maipagpatuloy ng PNP ang mga programa nitong lumalaban sa kriminalidad at kaukulang pagpapatupad ng umiiral na batas.

Kaugnay nito ay sinabi ni Remulla na nananatiling buo ang suporta ng DILG sa PNP.

Partikular na tinukoy ni Remulla na kanilang sinusuportahan ang misyon ng Pambansang Pulisya na tiyakin ang pangkalahatang seguridad at kapayapaan sa Pilipinas.