NAGA CITY – Makakadagdag lamang umano sa kumpiyansa ng mga protesters sa Hong Kong ang pagpapalaya sa aktibistang si Joshua Wong.
Kahapon nang tuluyang makalaya si Wong matapos na makulong noong 2014 sa edad na 17-anyos matapos pangunahan ang Umbrella Movement.
Sa report na ipinaabot ni Bombo International Correspondent Ricky Rueda Sadiosa, sinabi nitong positibong tinitingnan ng mga taga-Hong Kong ang nasabing hakbang kaugnay ng ginagawang malawakang kilos-protesta sa bansa.
Malaki ang paniniwala ng mga organizers na madadagan ng panibagong grupo ang una nang nagmamartsang mga protesters sa central area ng Hong Kong sa paglaya ni Wong.
Nabatid na sa paglabas ni Wong, agad itong nagbitiw ng pahayag laban kina Chinese President Xi Jinping at Chief Executive Carrie Lam.
Ayon kay Wong, hindi sila mapapatahimik kahit ng mga matataas na opisyal kaya mas maigi kung magbitiw na lamang sa posisyon si Lam.
Una rito, dinepensahan ni Lam ang desisyon ng korte na palayain si Wong at ang mga kasamahan nito.
Hinamon din ng opisyal ang mga mambabatas na araling mabuti ang desisyon na ibinaba ng Court of Final Appeal.