Wini-welcome ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang desisyon ng New Peoples Army (NPA) na palayain ang kanilang mga bihag na kanilang tinawag na prisoners of war.
Ayon kay AFP Public Affairs Office (PAO) chief Col. Edgard Arevalo na nakahanda ang militar na makipagtulungan mapalaya lamang ng ligtas ang mga bihag na sundalo.
Aniya, handang irelocate ng militar ang kanilang mga tropa para bigyang daan ang pagpapalaya sa mga bihag na sundalo.
Sinabi ni Arevalo na ang pagpapalaya sa mga bihag na sundalo ay dapat isang act of goodwill mula sa rebeldeng grupo at hindi gagamitin sa paraan para bumalik sa negotiating table ang magkabilang panig.
Nilinaw din nito na ang pagdukot sa anim na security forces na hindi sangkot sa combat operations ay hindi sanhi sa pagbawi sa unilateral ceasefire ng pamahalaan at sa pagpapatigil ng usaping pangkapayapaan.
Giit ni Arevalo na ang dahilan sa pag-collapse sa peace talks ay ang brutal na pagpatay sa tatlong sundalo na nagtamo ng nasa 24 na bala sa katawan sa Bukidnon.