-- Advertisements --

Nabuwag na rin ang hanay ng mga nagpoprotesta sa compound ng embahada ng Amerika sa Baghdad, Irag matapos na kumilos na at makialam na ang Iraqui forces.

Naging bayolente ang dispersal operation dahil gumamit na ang mga security personnel ng tear gas at rubber bullets laban sa daan daang mga demonstrador upang paalisin sa harapan ng embahada.

Una rito sinasabing ang ibang nagpoprotesta ay nagtangka pang akyatin ang pader, pinagsisira ang gate, salamin, pinagbabato at meron pang insidente nang tangkang panununog.

Ayon naman sa mga protesters ang pag-atras nila ay dahil naipaabot na rin nila ang kanilang mensahe.

Ang protesta sa embahada ng Amerika ay kasunod nang inilunsad na airstrike ng US sa Syria at mga rebelde sa Iraq.

Nagbunsod ito upang magpadala ng reinforcement ng US military troops upang depensahan ang embahada sa Baghdad.

Sinasabing tinarget ng US airstrike ang mga Kataib Hezbollah dahil sa mga insidente ng rocket attacks laban sa American facilities sa Iraq.

Ang pagkamatay ng US contractor noong nakarang linggo at sa nangyari ring mga pag-atake ay kabilang daw sa nagbunsod sa Trump administration na pakilusin na ang kanilang militar.

Sinisisi naman ni US President Donald Trump ang Iran sa pagkamatay ng US contractor at pag-atake sa US Embassy sa Baghdad.

Kasabay nang babala sa mga lider ng Iran na papanagutin sa paglusob sa embahada.