BAGUIO CITY – Isasagawa na sa December 5, 2022 ang susunod na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na dapat sana ay sa May 2020.
Sa panayam kay Senator Imee Marcos, sinabi niya na aprobado na sa Senado ang panukalang isasagawa sa December 2022 ang nasabing eleksion.
Aniya, nakausap din niya si Rep. Juliet Marie Ferrer, chairperson ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms kung saan nagkasundo sila na sa December 5, 2022 na ang BSKE.
Iginiit niya na hindi talaga maaari na sa 2020 ang sunod na BSKE dahil masyadong dikit ang termino ng mga nahalal na mga barangay at SK officials na aabot lamang sa halos dalawang taon.
Nabitin pa aniya ang pondo kaya walang masyadong nagawa ang mga barangay officials ngayon.
Dinagdag ni Sen. Marcos na sa batas ay nakatakdang tatlong taon ang termino ng mga barangay at SK officials kung saan ang mga kasalukuyang barangay at SK officials ay wala pang dalawang taon sa termino.
Sinabi pa nito na iniiwasan nila ang senaryong wala pang dalawang taon ng mga kasalukuyang barangay at SK officials ay pinapahalal na naman ang mga tao.
Umaasa pa ang senador na agad aaprobahan ni Pangulong Duterte ang nasabing panukala dahil ipinag-utos nito ang pagpasa ng nasabing panukala sa ika-apat nitong State of the Nation Address.