Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na dumaan sa masusing konsultasyon sa kanilang mga stakeholders ang pasyang pagpapaliban sa pagbubukas ng klase sa Oktubre.
Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, kabilang sa kanilang mga nakonsulta ang mga magulang at iba’t ibang mga local government units.
Kanila rin daw ikinonsidera ang ilang mga bagay tulad ng hamon sa pag-download ng mga modules ng mga guro.
Tinimbang umano nila ang lahat ng feedback bago magpasya sa magiging rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi pa ni Briones na saklaw sa bagong kautusan ang lahat ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.
Nilinaw naman ng kalihim na ang mga private schools na nakapagsimula na ng klase ay hahayaan na ng DepEd pero dapat ay sumunod sila sa ipinatutupad na minimum health standards.
“[K]ung pipigilan namin sila eh nakaumpisa na, kuntodo involvement na ng mga parents tapos titigilan natin, that would not be useful at all,” wika ni Briones.
Bagama’t may sarili silang operations manual, iginiit ni Briones na nasa ilalim pa rin ng pangangalaga ng DepEd ang mga pribadong eskwelahan.
Kaugnay nito, ikinatuwa ng ilang grupo ng mga guro ang naging pasya ng Deped na iurong sa Oktubre ang pagsisimula ng pasukan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Raymund Basilio, secretary-general ng Alliance of Concerned Teachers, mainam para sa kanila ang hakbang ng DepEd lalo pa’t hindi pa raw ganap na handa ang mga guro para sa school opening.
Hiling naman nila sa gobyerno na punan ang pangangailangan ng mga guro at estudyante upang maging ligtas ang pagbabalik-eskwela.
“Ang usapin po dito ay pondo. Nakikita po natin na ang pondo ang dahilan kaya nagiging mabagal at naging atrasado ang paghahanda kaya panawagan natin sa pamahalaang Duterte na ibigay ang pondong kinakailangan ng education sector,” wika ni Basilio.