Naniniwala si Senador Cynthia Villar na walang mangyayaring balasahan sa pagbubukas ng ikalawang regular session ng Senado sa araw ng Lunes.
Ayon sa Senador, sa kasalukuyan ay wala pa siyang naririnig na anumang planong palitan ng liderato sa Senado.
Inihayag naman ng Senador ang kanyang pagtutol sa ganitong kaganapan na aniya’y nakakaubos lamang ng oras ng mga Senador ng bansa.
Ito ay sa gitna aniya ng maraming mga pinagkakaabalahan ng mga Senador, lalo na ang mga usapin na kailangan nilang pag-usapan sa pagbubukas muli ng sesyon.
Ayon kay Villar, kuntento siya sa pamumuno ni Senate Pres Juan Miguel Zubiri at sa kasalukuyan ay wala umano itong reklamo sa direksyon ng Senado.
Sa araw ng Lunes, Hulyo 24, may pagkakataon ang liderato ng Senado na baguhin o palitan ang liderato ng Senado, o kung hindi man ay panatilihin ang kasalukuyan nitong liderato sa ilalim ni Zubiri.
Ito ay kasabay ng pagbubukas ng ikalawang regular session ng 19th Congress ng republika ng Pilipinas.