Wala na umanong lusot ang mga abusadong foreign employers ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa oras na maitatag ang Department of OFW.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni dating ACTS-OFW Party-list Rep. John Bertiz na sa oras na maitatag na ang bagong kagawaran na ito ay mayroon nang iisang ahensya ng pamahalaan na tututok sa mga problema na kinakaharap ng mga Pilipinong nagtarabaho sa ibang bansa.
Sa pamamagitan ng Department of OFW, sinabi ni Bertiz na magiging “streamlined” na ang serbisyo ng pamahalaan para sa mga Pilipinong empleyado abroad.
Mas mabibigyan din aniya ng ibayong pansin ang pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa mga host countries sa pagsusulong ng mga karapatan ng mga OFWs.
Ayon kay Bertiz, sa ngayon kasi tuwing may problema at kasong kinakaharap ang mga OFWs katulad ng sa Saudi Arabia ay pawang local labor laws lamang ng Pilipinas ang naikokonsidera.
Dahil dito, ang nangyayari ay pawang mga ahensya or recruiter lamang ang tanging napapanagot at hindi na nahahabol pa ang mga abusadong employer.
Iminungkahi naman ng dating kongresista na sa oras na matatag na ang Department of OFW ay matutukan din ng pansin ang reintegration program para mga OFWs na nais nang umuwi ng bansa.
Marapat lamang aniya na paghandaan ang mga OFWs na nais nang bumalik ng Pilipinas makalipas ang ilang taon na pagtatrabaho abroad, na nakakambag sa ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng pera na kanilang ipinapasok sa bansa.