Tiniyak ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na pananagutin ang mga importer na responsable sa paglaganap ng hindi awtorisadong imported fish na ibinibenta sa mga palengke.
Ayon kay BFAR chief information officer Nazario Briguera, kukumpiskahin ng bureau ang mga inangkat na pampano at pink salmon sa merkado simula sa Disyembre 4 para maprotektahan ang local fishing industry.
Aniya, laganap na ang frozen imported na isda sa merkado at ngayon ay nararamdaman na ang epekto nito kayat gumagawa na ng hakbang ang pamahalaan para maprotektahan ang lokal na industriya.
Una rito, sinabi ng BFAR na base sa Fisheries Administrative Order (FAO) No. 195 na inisyu noon pang 1999 ay ipinagbabawal ang pagbebenta ng imported na pampano at pink salmon sa wet markets.
Paliwanag din ng BFAR na matagal ng ipinapatupad ang naturang order bilang gabay sa pag-aangkat ng frozen fish para sa institutional buyers gaya ng hotels at restaurant at hindi sa mga merkado.
Sa inspeksiyon na ginawa naman ng BFAR sa Commonwealth wet market sa Quezon city kamakailan, nadiskubre na maraming nagbebenta ng mga imported na isdang pampano at pink salmon. Paliwanag naman ng mga fish vendor na hindi nila alam na ipinagbabawal ang pagbebenta ng nasabing mga imported fish sa merkado.
Bunsod nito, binigyan ng Ombudsman ang BFAR ng tatlong araw para magpaliwanag sa pagkaantala ng implementasyon ng Fisheries Administrative Order.
Sa panig naman ng BFAR, sinabi ni Briguera na ang disposal report ng mga importer ay hindi accurate na nagresulta sa diversion ng mga imported fish sa merkado.
Giit pa ng opisyal na layunin lamang ng BFAR na matiyak na ang mga produktong ibinibenta sa mga merkado ay lehitimo at mayroong maayos na dokumentasyon.